|
ah nalala ko pa noon... ang simpleng bahay namin, ang sala ay pahaba na sa dulo ay matatagpuan ang kusina. Ang sala ay mayroong bintana na gawa sa aluminum at salamin kung tawagin ay dyalosy at sa bandang kusina naman ay mayroong bintana na yari sa bloke ng semento na mayroong desinyo ang mga butas. Sa kanang bahagi ng aming bahay ay mayroong dalawang silid tulugan na magkatabi ang pintuan. Ang bintana ng dalawang silid o kwarto ay gawa naman sa pawid na inipit sa kahoy, yun ay binubuksan at nilalagyan ng tukod ng kahoy upang manatiling bukas. Sa unang kwarto ay para sa aking nanay at tatay, sa kabila naman ay para sa aming magkakapatid, tatlo pa lang kami noon... ako, si Leah at si Aileen, bata pa kami noon.
Sa harap ng bahay namin ay mayroong isang punong bayabas na madalas ko akyatin, masarap ang bunga ng bayabas na napipitas sa puno na 'yun. Madalas ay umaakyat ako sa bubong ng aming bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa puno ng bayabas... nalala ko ko pa na yung dulo ng sanga ay nakapatong sa gilid ng bubong ng bahay namin, at minsan yun ang ginagawa kong taguan.
-----------
Tuwing sasapit ang gabi sa amin noon ay madaling maramdaman, napaka-dilim ng paligid, makikita lamang ang liwanag na nanggagaling sa mga bintana ng mga kabahayan o kapitbahay. May ilawang gawa sa bote na may gaas at mitsang tela, medyo may kamahalan pa noon ang tinatawag nilang coleman. Ahh... bago sumapit ang dilim ako ay ay nakabili na ng gaas na gagamitin namin... kung maliwanag naman ng buwan sa gabi ay pagkakataon na naming magkakapatid at kapitbahay na makapaglaro ng taguan sa kalsada, minsan ay habulan at iba pa..... masarap at masaya ang buhay-bata, walang problema na inisip, masarap ang maglaro.
---------------
28 April 2009- 8:30 Pm na ng dumating ako sa lugar, inabutan ko pa ang pinsan naming pari, bata pa sya mga 27 yrs old pa lang... yung pangalawa ko kapatid ay kasama ang boyfriend nya, yung pangatlo ko na kapatid nasa town plaza ang anak nya, may kasama rin kami na isang taga India kasama ang GF nya na pinay. Sa kahilingan ng 2 kong kapatid na babae napilitan na rin uminom ng ilang shot si Father, pakisamang pinsan siempre, mabait sya... matagal na naming nakakasa si Father, ang mother nya at mother namin ay magkapatid pero sa ibang bayan ng probinsya namin sila naninirahan, more or less 80 kilometers ang layo sa amin, halos 4 na oras ang paglalakbay dahil sa mahirap at karaniwan ay may bundok na madadaanan.
Nag-uumpisa na ang masayang inuman at kwentohan ay nagpaalam na si Father, siguro medyo naaasiwa na rin sa kagaspangan ng mga kwentohan at kantyawan ng mga babae, sila ang bida sa grupo namin. Iba na na magsalita ang pangatlo kong kapatid ngaun, siguro dahil na rin sa maraming naranasan sa buhay, problema sa asawa, problema sa magulang, problema sa negosyo, ahhh.... siguro nga.
-------------------------
1986 second sem- Tunigil ako sa pag-aaral sa kolehiyo, mula sa bayan ng Mandaluyong (hindi pa city noon) ako ay umuwi muna ng probinsya namin. Pansamanta ako tumulong sa pagtratrabaho, sa paggawa at pag-deliver ng siopao ako naka-assign. Medyo mahirap gawin kapag marami dahil walang makina, mano-mano pa ang pagmamasa, mainit sa loob ng kusina lalo na pag magluluto na ay kalang de-uling pa ang gamit namin. Tatlo kaming gumagawa, yung pangalawa ay kapatid ng kaibigan ng nanay ko (Reymund), at 'yung pangatlo ay pamangkin ng nanay ko (Jerry). Araw-araw ay nagmamasa at nagluluto kami at tuwing umaga ay dinadala namin sa mga tindahan, restaurant at mga canteen ng mga paaralan. Ang ginagamit naming na sasakyan at Tri-Bike, palitan kami sa pagmamaneho... bale-wala lang at di kami nahihiya, sanay na kami at paminsan-minsan ay may mga kinakawayan pa, sanay na rin sa amin ang mga estudyante sa mga eskwelahan at kahit sa municipal plaza, parang artista...pagdating ng hapon, siempre mga lalaki ay mahilig magala, laging may bote na pampahilo, minsan beer, minsan lokal brandy kung maliit ang budget
Sa public market naman ang ang nanay ko naghahanap-buhay, meron syang mga tinda doon na mga lugaw, arrozcaldo, goto, pansit at iba pang merienda at mga ulam. Ang ibang kasamahan ng nanay ko sa tindahan ay mga pamangkin at kapatid ko na lahat sila ay babae (bihira pa ang lalake sa ganung klaseng trabaho). "Stay-in" lahat ng nagtratrabaho, may dalawang kwarto sa bahay na para sa mga tauhang lalake at babae, dingding lang ang pagitan (ang kalahati na pataas ay natatakpan lang ng metal screen at kurtina). Anga kasama ko sa paggawa ng siopao na si Reymund at nanliligaw sa isa kong pinsan, ang nakakatuwa pa ay ang ate nya ang tulay. Si Reymund ay mahiyain pero maingay din kung nalalasing, at pag nalasing na ay may bisyo na kung saan abutan ng antok ay doon nalang natutulog. Ang nililigawan naman ay mahiyain din at bihira namang magsalita at ang ate naman ay nasanay na sa buhay-palengke... siempre naman, ano ba sa palengke ang tinderang babae, di pwede ang mahina ang loob, mahina ang boses at mabagal, kaya siguro sya nalang naging tulay.
1st Sem na naman, bumalik ako sa Mandaluyong (sa labas at 'di sa loob), upang muling mag-aral. Ang mga foodstuff namin at pera ay sa eroplano lang dumadaan o kaya ay padala sa mga lumuluwas, minsan ay sa telegraphic transfer, umaga ang padala, halos gabi na ang release sa manila (di pa online ang bangko sa amin, wala pang Banknet at megalink noon). Minsan ang nagdala sa amin ng pagkain ay si Reymund, masaya kaming nagka-kwentohan at siempre may kasamang bote. Matagal din at masaya ang palitan ng kwento at sa bandang huli ay nabanggit nya na malapit na syang ikasal sa pinsan ko, imbitado ako. Kaya lang ay may exam sa panahon na nabanggit nya at nasabi ko na di ako makakarating. Kinabubukasan ay inihatid ko pa sya sa sakayan at sinabi ko na goodluck nalang sa inyo ni Fe sa darating na kasalan, bigla sya tumawa sa akin, bakit sabi ko... "Kay Melba ako ikakasal" ang sagot nya, sabay tawa nya... siempre natawa rin ako dahil sa tulay pala sya napunta, hindi sa nililigawan, ang buhay nga naman at kung bakit ang ate pa pala ang karibal.
-------------------------------
Tuwing gabi, kaming magkakapatid ay may trabaho sa bahay, ako ay gumagawa ng pampalingas ng lutuan, kahoy lang ang ginagamit namin sa pagluluto at kailangan ng mas maliliit na kahoy para mabilis makagawa ng apoy sa mas malaking pang-gatong na kahoy. Ang mga kapatid ko na mga babae ang nagtatangal ng balat ng bawang at naghihiwa ng mga sibuyas. Tuwing madaling-araw, tatlo kaming magkakapatid ay maaga pang bumabangon para tumulong magluto, palitan kami ni Leah (sumunod o pangalawang kapatid ko) sa paghahalo ng lugaw at iba pa, si Aileen naman ang gumagawa at naghahanda ng rekado o sangkap. Kapag may luto na ay pinagtutulungan namin ni Leah na buhatin ang mga kaldero (ibat-ibang klase ng laki o size) na halos puno ng napakaiinit na lugaw. Mula sa bahay hanggang palengke ay pinagtutulungan naming buhatin, minsan ay malalagyan ang paa namin ng lugaw... malapot at mainit sa paa, madulas sa tsinelas. Kapag tapos na ang lahat ng paghahakot ay duon pa lang kami nag-uumpisa na magkakapatid na maghanda para sa aming pagpasok sa paaralan at kung walang pasok naman ay si Aileen (pangatlo kong kapatid) ang karaniwang tumutulong sa aming nanay sa pagtitinda sa palengke, kilala ang nanay ko sa pagtitinda ng masarap na lugaw, goto at arrozcaldo.
Naalala ko pa noon, isang kasinlaki lang ng isang karaniwang table ang tindahan ng nanay ko, may tindang halo-halo (mga matamis na sangkap at yelo, na nilagyan ng leche plan at gatas sa mga hindi nakakaalam), pansit miki/bihon, kunting suman, isang inuming malamig (sago, minsan ay gulaman), at sa bandang huli ay nakapawa sya ng isang lutuan ng mami (gawa sa aluminum na parang drum, nakahiwalay ang mga pinakukuluang sabaw na may karne, mga miki at sahog na hiniwang karne. Natatandaan ko pa ang una nyang tindera ay may kapansanan sa likod na bukol kaya kapag ibinibigay nya ang lagyanan ng tubig o baso sa kustomer ay napakahirap, pero napakasipag naman kaysa sa normal na tao.
----------------------
May 3, 2009 11:00 AM - (habang naononood ng laban ni pakman) Sa ngayon ang dati naming bahay sa lote ay wala na, malapit lang 'yun sa public market siguro humigit kumulang 200 meters ang distansya. Makikita ngayon sa dati naming lote at bahay ang isang building na apat na palapag. Sa unang palapag ay makikita ang mga naka-display na ibat-ibang paninda tulad ng kitchen wares, appliances tulad ng ref freezer tv at iba pa. ang unang palapag ay nahahati sa sa apat ngunit walang pader na nakapagitan, sa una ay makikita ang mga lenolyom, laminated sack, mga uniporme ng mga estudyante at iba pang tela. Sa Pangalawa naman ay makikita ang ibat-ibang textile o mga tela na naka-ayos na pabilog ang bawat klase. Sa Pangatlo ay makikita ang mga plastic wares tulad ng tabo, palanggana, ibat-ibang lagyanan ng tubig at iba pa na karaniwang makikita sa Divisoria. Sa pang-apat ay makikita ang ibat-ibang klase ng kagamitang pangkusina na gawa sa nababasag at stainless, mga panregalo na glass set at iba pa. Sa unahan ng apat na bahagi ng tindahan ay makikita ang mga ibat-ibang appliances, may mumurahing dvd player, midi player at iba pa.
Ibang-iba na ang dati isang simpleng bahay sa lote na 'yun, halos kasabay ng pagbabago ng kapaligiran sa bayan namin na dati ay halos mga ordinaryong pawid sa pagkagawa ng bahay, dati ay makikita ang maraming puno at halaman sa mga harap ng mga bahay na sa ngayon ay di ko na makita.... halos karamihan ay mga building na sa kapaligiran. Paminsan-minsan ay hanhagod ko ng tingin ang kabuuan ng building, makikita sa harap ang malaking karatula o pangalan ng tindahan, mababasa ang pangalan ng aking nanay...
-----------------------
2008 April - Paglabas ko ng bahay sa Sampaloc Manila nararamdaman ko pa ang lamig ng patak ng ulan, makapal ang ulap, mataas ang tubig sa mga mababang lugar ng Metro Manila. Kailangan ko makarating ng maaga sa DFA, alam ko mahaba ang pila sa pagkuha ng passport, dala ko ko ang isang plastik envelope na may lamang ibat-bang dokumento. Pagdating ko sa lugar, di pa ako nakakarating sa main entrance ng DFA ay napakarami ng fixer na nag-aabang habang ang secuirty guard at iba pang empleyado ng ng ahensya ay itinuturo ang tamang lugar kung saan kami dapat pumasok at mag-apply. Mahaba ang daan sa DFA, malayo pa nakikita ko na ang maraming aplikante ng passport, sa gym ay may gate na maliit kung saan ay papasok ang mga nakapila, malayo pa ang nilakad ko para makita at mapuwesto sa hulihan ng pila, sa bandang unahan ay nakikita ko ang isang DFA employee na binibigyan ng isang papel ang bawat isa, malapit na sa akin at naririnig ko na application form ang ipinamimigay ng libre, apat na tao na lang bago dumating sa akin ay naubusan na.
Mabuti na lang ay hindi umulan kahit madilim at makapal ang ulap habang nakapila ako, mahaba ang pila, matagal din bago ako nakapasok sa maliit na gate, halos 1 oras din. Pagpasok sa gym, nakita ko ang parang ahas na pila, napakahaba... sa wakas inabot ko ko rin ang table ng step 1, mabuti nalang may reserbang aplication form sa mismong gate ng gym. Mtagal din bago ako nakalabas sa gym, sumunod ay pinapasok kami sa kabilang building upang malaman kung kompleto at tama ang dokumentong dala. Marami ang mga counter na parang "document examiner" ang mga naka-duty.... sa wakas ay nasa harap na ako. Tinignan isa-isa ng "document examiner" ang mga dala, sabi nya mali ang isang spelling ng apelyedo ng tatay ko, pero sa taas ay may isang type written din na apelyedo nya ay tama. "Magkaiba ang apelyedo na nakalagay sa Birth Certificate mo na galing sa NSO", sa taas ay kompleto at sa baba ay may kulang na isang letra (parang clerical error), "Magkaiba" ang ulit sa akin ng "document examiner", "pero sa NSO na po yan galing at isang letra lang ang kulang sa baba, at yung sa taas ay kompleto naman po" ang sabi ko. "May dala ka na birth certificate na galing sa munisipyo ng bayan nyo?" sabi ng "document examiner", "meron po, kaya lang nasa bahay po" ang sagot ko. "Dalahin mo dito sa akin" sabi nya. Mabilis na umuwi ako, mula DFA papuntang sampaloc ay sumakay nalang ako ng taxi para mapabilis, habang pauwi ako ay inisip ko na "di pa rin pala tinatanggap ang original NSO birth certificate sa DFA, kung bakit 'yung naiwan ko ay ang galing sa lokal registry ng munisipyo namin".
Nakabalik na ako sa DFA at natapos na rin sa wakas ang iba pang steps at mahahabang pila sa pagkuha ng passport. Naisip ko na sa araw-araw ay ganun talaga karami ang aplikante o nagre-renew ng passport? Napakarami ang gustong umalis sa bansa para manirahan sa ibang lugar, magtrabaho o mamasyal? Isa ako sa mga aplikante na may ibat-ibang dahilang kung bakit gusto magkaroon ng passport. Umuulan pa rin at masama ang panahon, kailangan hintayin pa ang magndang panahon para makauwi sa aming probinsya, mahirap ang paglalakbay pauwi sa amin, may dagat pa na nilalakbay sa loob ng 2 hanggang 3 oras, pagdating sa pier ng prinsya namin ay muling maglalakbay sa lupa sakay ng bus sa loob ng 6 hanggang 8 oras.
------------------
May 6, 2009 , 3:30PM- Hanggang ngayon ay iniisip ko pa ang nangyari kagabi, wala naman ako balak mag-imbita ng aking kaarawan kahapon, kami lang ng sa bahay at darating ang dalawang kapatid ko. Maaga pa kahapon ay pinalamig ko na ang mga red wine, bumuli na rin ako ng corn oil para sa pagluluto ng manok. Kahapon ay inayos ko mabuti ang videoke player ko, maliit lang ang aking bahay, kaya masikip ang sala kung marami ang darating na bisita, pero naisip ko na wala naman akong naimbitahan. Unang dumating ang isang kumpare ko, yung driver sa tindahan kasama ang off-duty na guard. Pritong manok na niluto sa corn oil ang nakahain ang sinimulan na naming tikman ang malamig na red wine... parang "tuba" (coconut wine) ang sabi ng off-duty na guard, "ngayun lang ako nakatikim ng ganitong red wine" sabi nya (lokal brandy ang inaasahan nya na inumin namin. May dumating sa gate namin, "sina johnny: sabi ng anak ko, sila ang may-ari ng tindahan na katapat ng tindahan ng nanay ko, mga taga India sila, pero kaibigan ng kapatid ko na si Aileen at Leah. Hindi ko pa sila nakikita kaya sabi ko sa anak ko na papasukin dito sa bahay, nagulat ako na biglang nakita ko sa harap ng pintuan namin ay hindi sila Johnny na taga India, ang nanay ko may hawak na parang tungkod, pamalo "daw" sabi ng pamangkin ko. Magkalaban sa negosyo ang mga taga India na mga 'yun at ang nanay ko, magkatapat lang sila ng tindahan. Hindi na nakarating sa loob ng bahay ko ang mga kaibigan ng mga kapatid, pati si Aileen ay pinauwi na rin (dalawa na ang anak ni Aileen). Pati ang mga stay-in na mga boy-helper ng tindahan ay nawala bigla sa tinitirhan nila (ang mga room nila ay malapit lang sa gate ng garahe, isang pintuan pa ng bahay ang dadaanan bago makarating sa aking bahay)... bakit kaya? Nalaman ko na lang na doon pinatulog lahat ng tauhan ng nanay ko sa taas ng tindahan, sa roof top ng building, bakit kaya? Sa kaarawan ko ay wala naman akong balak maglasing at mag-imbita ng lalasingin, hindi ko na alam ako ano pa ang iniisip ng nanay ko...
-------------
Maraming mga bata sa bahay ni Misis Enriquez, may 5 hanngang 8 taong gulang ang mga bata, kasing-edad ko sila. Lahat kami ay naghihintay, naktingin kami sa isang malaking box na tulad ng isang makabagong freezer ang laki, gawa sa kahoy at yero. Doon ginagawa ang “ice drop”, may hulmahan at ipinapatong sa yelong na may tubig at asin. Kailangan ng tyaga sa paghihintay na mabuo na parang yelo ang “ice drop”, ah sa wakas, ako naman ang mapalad na makakuha ng “ice drop” para mai-benta sa palengke, maliit lang ang “ice chest” na dala ko at mga 50 piraso lang ang pwede na mailagay. Hindi pa maininit noon kahit panahon ng tag-araw, kahit tanghaling tapat ay nagagawa ko pa na umikot na walang sawa sa pamilihang bayan at paradahan ng mga jeep upang mabili ang aking paninda. Kapag walang “ice drop” ay “palabununtan” naman ang aking hawak para kumita, ito ay mayroong ilang hilera ng maliliit na papel na pwede mo “bunutin” o kunin at tatanggalin ang takip upang makita ang nakatagong numero, sa bandang ibabaw ay may mga makikita na ibat-ibang numero na pwede mo tamaan na may katapat na halaga.
High School na ako noon, ng maranasan ko ang pagtitinda ng “balot at penoy” sa aming bayan tuwing gabi, sa pagtitinda ng balot kailangan ang paglalakad sa ibat-ibang lugar ng bayan kahit madilim, at kung may laban ng basketball sa municipal gym at doon kami nakahilera sa gilid ng gate. Pagdating ng 3rd year high school, ako ay pumapasok tuwing hapon sa public school at pag-uwi ay deretso na sa isang disco house, upang tumulong sa pag-aayos at paghahakot ng mga yelo, waiter ako sa gabi. Masarap ang working student sa disco house, maraming kilala sa gabi, at may respeto ang kapwa ko mag-aaral sa akin, maraming bilib sa akin.... lalo na pag tulog na ako sa loob ng silid-aralan tuwing walang guro, matakaw “daw” ako matulog...minsan ay nagtatawanan na ang mga classmate ko dahil pag-gising ko ay nag-uumpisa na sa klase ang aming guro, maganda at mabait ang aming guro at science ang itinuturo nya sa amin... ngayon ay nakikita ko sya na isa na syang college department head.
|