|
BAKIT mahirap ang ating bansa? May nagsasabi dahil ito sa sobrang bilis ng pagdami ng tao habang mabagal ang pag-unlad ng ekonomiya. Anang iba, nauubos ang yamang bayan sa katiwalian ng opisyales. Sa totoo lang, walang simpleng sagot. May umiikot na sanaysay, “Ang Kaibahan,” di alam ang umakda, na nagsisikap ipaliwanag ang ating sitwasyon:
Ang kaibahan ng mahirap at mayamang bansa ay hindi sa edad. Mahigit 2,000 taon na ang India at Egypt, pero hikahos. Wala pang 150 taong gulang ang Canada, Australia at New Zealand, pero mauunlad.
Ang kaibahan ng mahirap o mayamang bansa ay hindi rin sa likas na yaman. Sa Japan 80% ng teritoryo ay bundok, hindi maaring sakahin o pastulan ng baka, pero ikalawang pinaka-sulong na ekonomiya sa mundo. Tila isang lumulutang na pabrika ang Japan, umaangkat ng raw materials at nagluluwal ng manufactured goods sa buong mundo. Gayundin ang Switzerland, na hindi nagtatanim ng cocoa pero gawaan ng pinaka-bantog na tsokolate sa mundo. Apat na buwan lang sa isang taon natatamnan o napapastulan ang lupa, pero nangunguna ito sa dairy industry. Maliit na bansa pero matatag, maayos at matahimik.
Anang expatriates mula sa mayayamang bansa na nakakasalamuha ang katulad sa mahihirap na bansa, wala silang pinagkaiba sa talino. Ang kulay ng balat ay hindi rin mahalaga. Ang mga imigranteng binansagang tamad sa sariling bansa ay pinaka-masisipag sa nilipatan sa Europe.
Nasaan ang kaibahan kung gan’un? Ang kaibahan ay nasa ugali ng tao, hinubog ng edukasyon, tradisyon at leksiyon ng kasaysayan. Kung susuriin ang mamamayan sa mauunlad na bansa, mapapansin na tumatalima ang mayorya sa ilang prinsipyo sa buhay: Gumawa ng tama, malinis, responsable, respeto sa batas at alituntunin, respeto sa karapatan ng iba, masipag, matipid at namumuhunan, buo ang loob gumawa nang malaki, tapat sa oras, at siyempre disiplinado. Gan’un ba tayong mga Pilipino o hindi? Sinisikap ba nating ilatag ang sistema na magpapabuti sa atin, o sumasabay lang tayo sa agos?
|